Edmonton – Marso 19, 2022, habang ipinagdiriwang ang ika-50 Anibersaryo ng Karilagan Dance Society at ika-24 na Hiyas (Gem) Award Night o Gabi ng Parangal na ipinagkakaloob ng nasabing organisasyon para sa mga nominado at hinirang na mga Filipino at napatunayang naglingkod ng buong-puso para sa kapakanan ng ating mga kababayan dito sa Edmonton, Alberta, Canada.
Ang insidenteng naganap ay nagbigay ng isang hudyat na hindi lamang malinaw na pananaw; kundi ng isang katotohanan para sa magiging kinabukasan ng ating lipi o lahi dito sa Edmonton. Isang kultura ng walang katiyakan na magiging batayan ng isang lipunang walang kaginhawahan, kapayapaan, pagtutulungan, pagkakampihan, at ng pagkakaisang inaasam.
Masarap-napakasarap mangarap lalo na kung sama-sama nating ihahakbang at isasakilos ang nagkakaisang layunin. Dahil sa pagkilos lamang na ito natin makakamtam ang respeto ng ibang lahi para sa ating lahi. Sino nga ba naman ang gagalang sa’yo kung mismong kababayan o kapatid mo ay hindi ka inirespeto. Na, sa halip na magsama-sama, mas pinili at ninais pa ng iba nating kababayan na tayo ay maging masama sa paningin ng iba.
Ating silipin at mainam na usisain ang ating lipi o lahi
Samantalang totoo na ang layunin ng okasyon ay ang kilalanin at bigyang parangal ang mga nominado at hinirang upang tumanggap ng nasabing parangal dahil sa kanilang kasipagan, malasakit, at bukal sa loob na paglilingkod sa lipunan; totoo rin naman na kabaliktaran ang naging introduksyon ng programa ng ang isang mag-asawang Filipino mula sa Omni TV ay biglang lumusob at pinagsusuntok, pinagsisipa, at pinagsalitaan ng mga akusasyong walang katotohanan ang isa rin namang medyo nakikilala na rin sa lipunan dahil siya ay punong patnugot o editor-in-chief ng isang Filipinong Pahayagan dito sa Alberta. Nasilip at saksi dito ang humigit kumulang 300 tao na dumalo sa okasyon.
Pangunahing layunin ng grupong kultural na ito na tipunin, pagkaisahin, at pagtagpuin ang magkakaibang layunin at magkakaibang hakbangin ng ating mga kababayang Filipino dito sa ibayong dagat sa pamamagitan ng maka-kulturang sining at pagsayaw. Kaalinsabay nito ay ang pagkasunduin ang magkakaibang pananaw upang magkaroon ng pwersang magbibigkis sa ating wastong pagkilos (code of ethics). Ang pagkilos na may karangalan na siyang magiging diwa ng tunay na kultura—isang kultura ng katiyakan upang ang lipunan ay magkaroon ng patutunguhan. At iyon ay ang kaginhawahan.
Subalit, binasag nga ito ng dalawa nating kababayan na mag-asawa pa naman. Gumawa sila ng eksena sa harap ng mga bisita na nagmula sa ibat-ibang lahi. Ayon sa nabanggit na nga, sumugod at nagsisisigaw ang mag-asawang Filipino Omni producers na ito: “Hayop ka! Nandito ka palang gago ka!” Kasunod ang panununtok ngunit nabigong tamaan sa mukha ang sinuntok na kababayan. Tumama ang mga tadyak o sipa sa hita at napasaan ang sinagupa. Habang ang asawa naman ng aroganteng Filipino ay nagsisisigaw ng: “Hayop ka, hindi ako kaladkarin!” Napakatindi ng eksenang iyon. Para bang nominado at nanalo din sa FAMAS AWARD. Matindi ang epekto sa kanila ng pandemya. Gumawa sila ng sarili nilang multo.
Hindi nagtapos doon ang pagtatangkang pananakit ng mag-asawang ito sa punong patnugot. Noong ika-25 ng Marso, sa harap ng napakaraming tao at habang kasama ng biktima ang pamilya ng kanyang mga kaibigan sa Food Court ng West Edmonton Mall, biglaan na namang lumitaw ang producers ng Filipino Show na ito at sinagupa sa pangalawang pagkakataon ang punong patnugot. Buti na lamang at naharangan kaagad ng mag-asawang kaibigan ng biktima ang agresibong taga-media. Nagsisisigaw doon: “Hayop kang gago ka! May atraso ka pa sa akin! Magbabayad ka!” Niyaya pa niya sa labas ng Mall ang punong patnugot para makipag-away sa kanya.
Huh! Ano sa palagay ninyo ang magiging kinabukasan ng lipunang Filipino dito sa Edmonton kung mayroong mga ganyang tao at kababayan pa natin ang walang takot kung manakit sa kapwa. Samantalang wala namang matibay na rason o dahilan? Buti na lamang, napakahinahon ng punong patnugot na ito. Sa halip na lumaban ay umunawa, nagpasenya at hinayaang ang batas ang humusga.