Kay sarap sa tenga na marinig na ikaw ay titulado. Maraming asensado ang meron nito. Kadalasan, di mo na nga alam ang kanilang pangalan dahil tinatawag natin sila ayon sa kanilang titulo kagaya ng editor, attorney, doktor, pastor, father, president, congressman, governor, mayor, kapitan, sir, madam, at napakarami pang ibay-ibang titulo.
Wow! Hindi naman lahat, pero ang totoo, mataas ang pagtingin sa sarili ng isang titulado. Dagdag pogi points kung meron ka nito. Kung kaya nga, kadalasan ay pinag-aawayan ito. Kailangang protektado nila ang kanilang titulo dahil tunay nga naman na pinaghirapan nila muna bago nakamit ang hawak nilang titulo.
Mga Uri ng Titulo batay sa antas ng tao sa lipunan:
• Pinag-aralan
Ang diploma ay nagsasalita. Lalo na kung merong kalakip na karangalang-banggit at medalyang parangal tulad halimbawa ng pagiging cum o magna cum laude.
• Delegasyon
Ang ipinamama o iniatang na tungkulin mula sa ating mga nakatataas sa lipunan. Kaakibat nito ang mga obligasyones na hindi naisakatuparan ng nakaraang henerasyon.
• Halalan
Dahil dito, tutuparin ang mga ipinangako mo upang sa susunod na botohan ikaw na ang mapusuan. Bago sumapit ang halalan, kalimutan na muna ang mga prinsipyo na noon pa man ay iyong pinanghawakan. Gamitin ang prinsipyo kapag nanalo ka na at iniluklok sa upuan ng taong-bayan.
• Negosyo
Ang pera ang nagpapagalaw o nagpapakilos sa ating mundong ginagalawan. Iyan ang katotohanan. Kapag walang pera, malamang na titulo mo ay mawawala.
• Pamana
Ang hawak mong titulo ng mga kalupaan at anumang ari-arian ang siyang magtatakda ng iyong kinabukasan. Ang sinumang magtangkang umagaw sa titulo na pamana ni tatay o ni nanay; tiyak na kapahamakan ang naghihintay.
Makikita na kahit saan ka man manirahan, ang titulo ang kailangan mong palaging hahawakan. Iwasan nga lamang na lubhang maging mapagpaimbabaw at mayabang.
Hayaang kapwa mo ang makakita ng iyong kahalagan. Iwasan na ang kahambugan ay maging mas malaki pa kesa sa iyong kakayahan. Ang resulta kase niyan, pati kapwa mo ay iyong ibabagsak at sisiraan upang tumaas ka lamang sa sosyodad o lipunan.
Iwasan na natin ang ugali na kapag nauna tayong gumawa ng isang asignatura, pagkakakitaan, o ikasisikat ay wala ng pwedeng gumaya dahil hawak na natin ang titulo. Bakit, sino bang hindi manggagaya sa mundo? Di nga ba sinasabi pa ng mga mayayaman na may tiwala sa sarili eh “Don’t reinvent the wheel; just copy!”
Gamitin ang titulo hindi upang makapurwesyo kundi upang buhay ay umasenso.