Sa pagkakataon ng mga hindi inaasahang sakuna, kalamidad, at pandemya ay meron agad tayong sinisisi!
Maaaring ito ay ang kawalan ng pakialam ng bawat-isa sa lipunan, mga pulitikong ang iniisip ay kung paano mananalo sa susunod na halalan, mga higanteng negosyante na kulang at kulang pa rin ang kayamanan, ang kakulangan ng suporta o si makatuwirang pagkontrol ng gobyerno sa mamamayan, at ang nakakarimarin, ay ang pagpaparusa na daw ng Diyos sa mga nabanggit na kadahilanan.
May dapat nga bang sisihin sa mga natural na kalamidad?
WALA! Dahil walang sinuman ang may kontrol sa Batas ng Kalikasan kundi ang KALIKASAN.
Maging ang DIYOS na Lumikha ay hindi makikialam sa isang KALAYAAN na NAIPAGKALOOB na NIYA. Kung kaya, huwag nawa nating sisihin ang DIYOS sa ganitong kalagayan. Pumutok ang Bulkan dahil NATURE talaga nito ang mag-release ng sobrang umiinit na kalupaan. Nakakatulong ang BULKAN sa pagsasaayos o pag-arrange ng Tectonic Plates of the Earth.
Sa katagalan kase ng pag-iral ng mundo o daigdig, natutunaw ng init sa ilalim ng lupa ang mga bato at magma na siyang naghahawak sa ibabaw nito. Ang resulta, tumatagilid ang sangkalupaan. Ang pamamaraan ng kalikasan para ibalik ito sa dating kaayusan o kalagayan ay yanigin ang sangkalupaan sa pamamagitan ng pagsabog ng bulkan at pabahain ang kalupaan. Medyo, mukhang marahas nga lamang. Pero, ang epekto ay pangmatagalan.
Sa punto de vista ng kalikasan o natura ng tao:
Maging ang ating mga personal na desisyon ay hindi na pinanghihimasukan ng Lumikha. Ang Kalayaan natin ang nagpapasiya. Kung ano ang mangyari sa ating buhay; desisyon na natin iyon at hindi KALOOBAN ng MAYKAPAL. PINAHINTULUTAN lamang ng Diyos ang nagaganap sa mga sarili nating buhay.
Bakit naman?
Dahil kung ang Diyos ang masusunod sa lahat ng mga kaganapan; malamang na hindi na Siya marapat na ituring na Diyos ng Kalayaan (Freewill). Sapagka’t hihinto Siya sa Kanyang pagka-Diyos kapag siya ay naging Diktador! Tandaan, wala sa Natura, Kalikasan, o Katotohanan ng Diyos ang maging pakialamero sa kalayaang naibigay na Niya. At kung ganyan ang Diyos, ayaw na natin ng Diyos di ba?
Subalit hindi nga Siya ganun! Lumikha Siya at ng magkamali tayo ay umakto pa muli Siya bilang Manunubos. Tinubos nga ang mga nais magpatubos at namatay ang mga tumanggi sa Kanyang Kalinga at Pag-ibig.
Dalawa ang Teorya sa mga SANHI ng KAGANAPAN:
1. Proximate Cause – Kapag sumabog ang bulkan. Ang Diyos ay Proximate Cause lamang at ang BULKAN mismo ang Ultimate Cause. Wala na Siyang direktang panghihimasok sa kaganapan ng natura o kalikasan.
2. Ultimate Cause – Nang ipanganak tayo ng ating mga magulang. Ang Diyos mismo ang Ultimate Cause. Siya ang Puno’t-dulo o Sanhi ng ating buhay. Ang ating magulang ay maituturing na Proximate Cause lamang sa pagiging tao natin.
Dapat bang sisihin ang Diyos? Dapat bang sisihin ang sinuman dahil pumutok ang bulkan at pagbaha dahil sa delubyo? Hindi!
Dapat ba naman Siyang pasalamatan?
Opo! Sapagkat kung ano man ang tinatamasa nating buhay ay direktang nagmula sa Kanya. Samantalang ang naging kasamaan natin ay sarili nating desisyon.
Ang paglaganap ng Covid-19: May dapat bang sisihin?
Bibigyan ko kayo ng mga scenario upang maging batayan ng pag-uusisa at pagninilay. Hindi mahalaga kung saan ang mga lugar at pangalan ng mga taong sangkot sa aking ibabahagi. Gagamitin lamang natin ang mga ito sa pagsusuri at paghahambing upang makarating sa isang resonable o makatarungang konklusyon o paglalahat.
Unang kwento:
Ang Panlalason sa kapwa ay ginawang hanap-buhay: Kapahamakan ng iba ang pinagkakakitaan.
Merong kwento sa Pilipinas tungkol sa paglalagay daw ng lason sa tubig o anumang inumin at pagkain. Nangyayari ito sa mga handaan o kung kahit ikaw ay makikiinom lamang. May mga tao na sadyang desperado sa buhay. Ito ang kanilang hanapbuhay. Sinasadya daw nilang lagyan ng makalalason ang ibibigay sa’yong inumin o pagkain.
Matapos ang ilang araw o buwan, makakaramdam ka ng pananakit ng tiyan, paninikip ng hininga, at pagsakit ng ulo. Boom! Tumalab na ang lason sa katawan mo!
Mapapansin na merong lalapit sa’yo na kunyari ay may malasakit. Sasabihin na, pare, parang may karamdaman o sakit ka? May masakit ba sa’yo? Kapag sinabi mong meron. Boom! Huli ka!
Ang kasunod na sasabihin sayo: “Pare, meron akong kakilalang mahusay na albularyo (herbalist o kaya ay kwak-kwak doktor). Baka nais mong samahan kita sa kanya o di kaya ay papuntahin ko siya dito sa’yo upang kaagad kang magamot. Delikado ang buhay mo pare ko. Pero, medyo mahal maningil pare. Depende sa lakas ng tama ng sakit mo.” Boom! Pera pala ang kailangan! Kikita ng malaki!
Ano ang punto ng kwento?
Yong gumawa ng lason o panlalason at katampalasanan sa’yo. Siya rin pala ang may nakahandang gamot o gagamot sa’yo.
Pangalawang kwento:
Nauso ang computer. At dahil ito ay artificial intelligence, maaaring kailangan din nito ng pahinga at maintenance. Kapag nagtagal-tagal, magiging luma o obsolete na ang program at kailangan ng palitan. Boom! Papalitan? Naku, pera na naman!
Pero, teka, may solusyon sila diyan. Makakatipid ka. Bibili ka nga lamang ng software para sa upgrading ng iyong computer unit. Walang anu-ano, biglang nag-shutdown ang PC (Personal Computer) mo. Anong problema? Dinala mo sa technician. Aba, may virus-virus pala! Boom! Kailangan mong bumili ng anti-virus! Pera na naman pala ang kailangan! Kikita ng malaki ang gumawa ng anti-virus na marahil ay mula rin sa gumawa ng computer!
Ang paralelismo: Nakita mo?
Pandemya-problema! Covid-19 saan ka nanggaling? Mga dalubhasa mismo ay nawindang o di kaagad lubos na maintindian kung ano ang tunay na dahilan o pinagmulan. Lahat ng sangay ng gobyerno ay parang mga naging aso sa loob ng kanilang bahay. Kapag may kumahol na ibang aso sa labas ng bahay; nakikikahol din kahit hindi naman alam kung ano ang kinakahulan.
Kabi-kabila ang implementasyon ng restriction.
Eh, ano pa nga ba. Minsang nga, sila-sila ay di nagkakasundo kung kelan at paano ang gagawing panukala upang paghigpitan ang mamamayan.
Mask is a must! Wash your hands from time to time! Social Distancing! No handshaking! No sharing of foods and shelter! No indoor parties! Only 10 are allowed to gather outside! Only 20 persons during funeral!
Sa ayaw mo at gusto. Susundin mo ang ordinansa ng gobyerno na para ka ding aso. Tutupad sa batas para sa kapakanan ng batas (Abiding with the law or just complying for the sake of compliance).
Natawa ako sa only 10 are permitted to gather outside. Sa lamig ng panahon dito sa Canada ngayong winter season. Kayo bang sampo na magkakaibigan o magkakamag-anak ay magnanais magtipon sa labas? Isa pa, dapat makipaglamay sa patay kase mas marami ang allowed during funeral?
Teka, ano ang punto?
Hindi ba ito ay hayagang manipulasyon ng mga higanteng negosyante? Hindi kaya, pinaglaruan lamang tayo? Bakit ng mauso ang Covid-19 ay wala na tayong masyadong narinig na ulat mula sa kanila kung ilan ang namatay sa cancer, TB, Ulcer, at iba pang uri ng sakit? Bakit halos lahat ay namatay na yata dahil sa Covid-19? Hindi kaya tinakot lamang tayo ng tinakot? Hindi kaya, Hindi kaya, kung sino ang gumawa ng virus ay sila rin ang gumawa ng vaccine?
Sa puntong ito, may dapat bang sisihin at panagutin?