Malamig ang Gabi

Malamig ang Gabi

 

Malamig ang gabi kapag wala ka sa aking tabi. Sinlamig din ng pusong wala ng pag-ibig. Isa na ring damdaming kulang sa kilig. Ikaw pa naman sana ang kumot at unan ko pati na rin banig.

Ako’y nanlalata kapag di ka makita. Patuloy kang hahanapin kahit paa ko’y tila baga may tanikala. Ngiti mo na lamang ang tangi kong paglaya.

Binihag nga yata ako ng damdaming salat sa pang-unawa. Kung kaya naman utak ko’y manhid kapag di ka nakikita. Okay lang naman sana na puso ko’y siyang nagdurusa; ipipinid ko na lamang ang luha ko sa aking unan, kumot, at kama.

Ang di ko lang maatim, ang makitang mata mo’y makulimlim; sa kadahilang pagmamahal mo’y sinlamig ng gabi at puno ng nyibe. Dama ko ang hapdi gayundin ang kirot, malamig na hangin sa laman ko’y nanunuot.

Malamig ang hangin. Tila nagbabadya na kailangan kang talaga. Subalit aking sinisinta, nasaan ka na nga ba? Ewan ko ba, mata ko’y pikit ngunit sa isip ko’y laging nakadikit, mga ngiti at mata mong ubod ng rikit.

Malamig ang gabi. Kelan ba iinit? Kelan ka babalik upang muling maging buo at ganap ang puso kong nabiyak? Wala na bang silbi mga pangarap nating binuo o hinabi? Magkaganun pa man, uunawain ko, na ang kabiguan ay isang baytang upang tunay mong kapalit ay aking makamit.

Malamig ang gabi. Hindi ko naman ito isinasa-isantabi. Subalit alam ko rin naman na mayaroong bukas upang init ng araw ay siya ring mangibabaw. Mulat ang isip ko na ang mabuhay sa mundo g ibabaw, ay batbat ng suliranin at solusyon din naman.

Bubuksan ko ang bukas at sarahan ang lumipas. Lalo na kung ito’y batbat ng lambong sa isip at mga pasakit. Ang init ng paninindigan at desisyon lang pala ang tunay na pambawi. Taglay ko na ngayon ang bagong kumot at unan ko. Tunay na papawi sa malamig na gabi.

Leave a reply

Your email address will not be published.