Ang Batang si Beatriz, si Inang, at ang kaniyang Langguay

Ang Batang si Beatriz, si Inang, at ang kaniyang Langguay

Author:
Bittermelons and Mimosas,
a Philippine memoir
When Thunderclaps Is Rain

Nieves Catahan Villamin, a retired state employee, and sometimes writer, lives with her gentleman farmer husband in Creston, Ca. USA. She was born and raised in Sumacab, Cabanatuan City, Philippines. She immigrated with her family to the United States in 1972.

Children’s Books:
Taguan With Eden and Friends
A Rainbow Feast
One Moonlit Night of Magical Creatures

Available at Amazon.com
Or: email nievesvillamin@aol.com

Ang Away ni Inang at Ka Ruping
Gabi-gabi pagkatapos ng hapunan, si Inang ay pumupuwesto na sa kanyang paboritong lugar. Sa sulok ng sementadong sahig sa ibabang palapag ng aming bahay. Mayroon siyang maliit na baul, katabi ng papag na tulugan sa silong nang aming bahay na dalawang palapag at yari sa kahoy at yero.

Dating may sariling silid tulugan sila ni Tatang sa itaas. At sa bukas na silong nakatira ang aming mga alagang manok at baboy. Subalit isang tag-araw hiniling ni Inang kay Tatang na kubkubin ng semento at hollow blocks ang silong namin at gawin daw niyang munting tindahan.

Nakaaway niya kasi si Ka Ruping, ang may-ari ng tindahan sa tapat ng aming bahay. Dinagdagan daw kasi ang listahan ng utang namin noong siya ay dumalaw sa mga kamag-anak niya sa Aliaga, Ecija. Kami daw mga bata ay bumili ng pakumbo noong wala si Inang, sabi ni Ka Ruping. Wala namang umamin sa aming mga bata dahil hindi naman namin ginawa ang ibinibintang sa amin. At hindi kami puwedeng mangutang nang walang pahintulot si Inang. At iyon din naman ang bilin niya kay Ka Ruping. Ipinilit ni Ka Ruping ang kaniyang bintang, hanggang sa na-uwi sa pagtatalo ang kanilang usapan.

Ang malakas nilang sagutan ay umabot sa pandining ng mga kapitbahay. Agad-agad silang nagsipuntahan sa tindahan para mag-usyoso. Mabuti na lamang at dumating si Tatang galing sa bukid pamaya-maya. Nang makita sila ay inawat ang dalawang babae na parang tandang na nagsasabong sa pagpapalitan ng paratang. Bigong nagsi-uwi ang mga kapitbahay. Hindi sila nakapanood ng sabunutan.

Ang away na iyon ang pinagmulan ng hindi pag-iimikan ng aming mga pamilya ng sa matagal na panahon. Kahit pa na malapit na magkamag-anak, magpinsang- buo si Tatang at ang ama ni Ka Ruping. Kahit pa na magkaharap ang aming mga bahay at kalsada lamang ang pagitan ng mga ito.

Ang Bakuran ng magkapatid na Ruping at Sena
Noong ako ay lumalaki, natatandaan ko ang malaking puno ng akasya na pinagkukunan namin ng pangggatong, at ang sampalok, kamatsile na laging hitik ng bunga tuwing tag-araw sa aming likod bahay na malapit sa ilog. Isang umaga, pagkaraan ng malakas na ulan ng buong magdamag, ang tumambad sa aking paniningin ay ang dambuhalang ilog na nagpupumilit umahon sa aming kalsada. Nang humupa ang baha, lumayo ang ilog. Sa kaniyang paglayo tinangay nito ang mga puno na nagbigay sa amin ng tuwa at lugod noong aming kabataan.

Ang maluwang na bakuran nina Ka Rupng at Sanseng Sena ay malayo sa ilog, ngunit malapit sa sapa. Ang sapa kahit malalim ay tahimik kapag bumabaha,. Di katulad ng ilog na dumadagondong ang alon kapag umaapaw. Ang harap ng bakuran na ginawa nilang taniman ng kampupot ay napapaligiran ng puno ng saging, at langka. Kung Mayo at Hunyo ang pinagsamang amoy ng ulan sa lupang natigang, nahihinog na prutas at samyo ng bulaklak ay nakakalasing. Tangay ng hangin, ang halimuyak na iyon ang gumigising sa aming mga bata.

Ang likuran ng bakuran ni Sanseng Sena ay tirahan ng sari-saring namumungang punong kahoy. May bayabas, langka, saging, mangga, kasoy, at kamatsile. Kapag nahinog ang mga prutas na halos sabaysabay; sa isipan ng isang batang tulad ko, ‘di bale ng mapunta sa purgatoryo dahi sa pagnanakaw! Napakasarap kaya ng hinog na balubad, bayabas, langka, saging na tampuhin na humahalimuyak kapag hinog,

Mula ng mag-away si Inang at Ka Ruping hindi na kami nakakapunta sa kanilang bakuran. Kaya kadalasan kaming mga bata ay umaakyat ng mga puno na walang pahintulot ni Sanseng Sena. Nanggigilid kami sa sapa papunta sa kaniyang bakuran upang hindi matanaw

Minsan sa aming katuwaan dahil sa kaylalaki ng hinog na bayabas, ay hindi namin pinansin ang kahol ng aso na kasunod si Sanseng Sena na may hawak na malaking kawayang pamalo. Tumalon kami sa may mababang parte ng bakod na alambre. Nasabit ang aking binti at nagdugo, pero hindi ko pinansin sapagkat ang aking bibig at bulsa ng palda ay puno ng bayabas. Ang dalawa kong kasama ay walang galos na tinamo sa katawan, pero wala silang naitakas na bayabas. Ang peklat sa aking binti ay itinuring kong isang masayang pananda ng aking kabataan.

Pagdating ng Mayo at Hunyo, ibang mga bata na ang tinawag ni Sanseng Sena upang tulungan siyang mamitas ng bulaklak na kampupot at gawing kuwintas upang ipagbili sa bayan. Kaya kami ng isa kong kaibigan ay gumgising ng maaga upang mangunggot ng bulaklak para may maibigay kami sa aming paboritong guro sa paaralan.

Ang Munting Tindahan ni Inang
Ang di pagkakaunawaan dahil sa utang ang nagbigay-daan sa pagiging dalawang palapag ng aming bahay. Ang unang kalahati ng silong ay naging tindahan ni Inang. At ang kabilang kalahati ang naging silid- tulugan nila ni Tatang at ng bunso naming kapatid na si Beatriz.

Katabi nila sa pagtulog ang aming bunso hanggang sa edad niyang sampung taong gulang. Kapag tinutukso namin ang aming bunsong kapatid ng “bebe” noon, dinadahilan niya na mas mainam daw na matulog sa sahig ng papag na gawa sa kawayan. Ang hanging malamig na sumusundot ay parang humihilot sa kaniyang likod. Hindi na niya kailangang magpahilot kay Mang Kanor kapag taglamig tulad ng ginagawa ng matatanda sa aming purok na ang akala ay pilay, hindi rayuma, kaya sumasakit ang buong katawan. Nakapila sila sa balkon ng bahay ni Mang Kanor tuwing umaga kapag Disyembre, may dalang tig-itigisang bote ng langis nag niyog para magpahilot.

At ang pagtulog sa matigas na papag daw ay nakakalis ng kaniyang pagod, sabi pa ni Beatriz. Nakakpapagod daw kasing lubha ang maglakad mahabang lakarin papasok at pauwi mula sa paaralan. Noon ay naglalakad lamaang kami pagpasok sa paaralan. Sana nga daw ay mayroon kaming dyip na katulad nila Henya, na anak ni Aling Salud na taiga-Luasan. Inihahatid-sundo siya ng sasakyan umaga, tanghali, at hapon.

Aba, sosyal na bata. Kapag sinasabi ito ni Beatriz, tinanong namin siya, “Kami kayang nakakatanda mong kapatid ay hindi naglakad katulad mo upang makapag-aral?” Ang sagot niya ay isang ngiti na kahalintulad ng silay ng bumubukadkad na araw sa silangan.

Ang sahig sa itaas ng bahay ay tabla. Walang pagitan na sinusuot ng malamig na hangin kaya ayaw niyang matulog doon. Kung hindi pa namin sana alam na kumukupit siya ng barya sa tindahan ni Inang. Hindi namin sinasabi kay Inang, kasi si Beatriz ay bunso, at siya ang paborito naming kapatid. Pero maaaring alam ni Inang yon, hinahayaan lamang niya ito. Total sina Kuyang at Sanse ay nagtatrabaho na sa Maynila at nagpapadala ng pera kay Inang buwan-buwan kaya medyo maginhawa na ang buhay namin noon. Ang munting tindahan ay parang libangan lamang niya at ng bunso naming kapatid.

Hindi marunong bumasa at sumulat si Inang. Pero siya ay matalino at mapamararan. Ang kaniyang memorya ay parang kamera. Na sa isang klik ay nakokopya ang mukha at anyo ng tao o bagay na kinukunan ng larawan. Kung sinabi ni Inang na mali ang tala ng utang na nasa listahan, iyon ay talagang mali. Ganoon kataimtim ang paniniwala namin sa katalinuhan ni Inang. Hindi lamang iyon, mapamaraan si Inang sa paghahanapbuhay. Sa kasipagan ay walang kaparis. Kaya nga siya ay iginagalang ng kaniyang mga kabaro at ka-edad sa aming lugar. Kaya noong nag-away sila ni Ka Ruping, marami ang kumampi kay Inang. Nagkamali daw ng pananda si Ka Ruping, at nakahiyaan nang aminin.

Ang Bisyo ni Inang
Pumuwesto na si Inang sa kaniyang paboritong sulok kung saan nandoon ang baul na pinagtataguan niya ng langguay. Doon niya itinatago ang langguay para hindi paglaruan ng mga batang apo niya. Ang baul ay taguan din niya ng ilang larawan at mga paborito niyang baro at saya na isinusuot lamang niya kapag piyesta sa Gapan tuwing Enero. Namanata si Inang ng pagsimba doon tuwing Kapiyestahan ng Tatlong Hari bilang pasasalamat sa pagkakalikgtas kay Beatriz at sa apo niyang si Arsenia na muntik nang malunod noong sila ay limang taong gulang pa lamang.

Buwan ng Agosto noon umulan nang malakas ang ilog ay napuno at umahon ang tubig sa kalsada. Ang dalawang bata ay tuwang-tuwa sa pag-ahon ng tubig kaya nagtampisaw sa baha. Kung sila ay nausog pa nang kaunti sa may pampang, malamang na sila ay nalunod. Nang humupa ang baha ay naiwan ang mga bakas ng dalawang bata sa malapit na pampang kinabukasan. Noon na nag-umpisang namanata si Inang. At sa aking pagkatanda, nahinto lamang iyon nang simula siyang magkaroon ng karamdaman.

Ang baul ni Inang ay yari sa kahoy ay gawa sa kahoy. Hindi ko na natatandaan kung anong klase ito, pero ang hugis at anyo nito ay nakalarawan pa rin sa aking balintataw. Gawa rin ni Tatang, ang langguay na yari sa kahoy na akasya, makinis, at barnisado ito. Hindi ito lata o aluminyo na tulad ng pangkarinawang gamit ng ibang babae na may parehong bisyo ang pagnganganga.

Ang langguay ay sisidlan ng mga kailangan ni Inang sa paggawa ng nganga o itso, ang tangi niyang bisyo. Ikmo, bunga, apog, at maskada ang mga sangkap sa paggawa ng nganga. Ang ikmo ay mula sa Penaranda na ipinagpapalit ng palay o mais ni Tandang Sepa. Ang maskadang tabako ay inaani ni Dikong sa kaniyang tumana. Ang apog ay nakalagay sa dating basyong bote ng pomada ni Kuyang nalimutan ko na kung saan nanggagaling.

Ang maliit na dikdikang yari sa bato at semento ay binili ni Iang sa tindahan ng intsik sa bayan. At ang kalukati na kasabay niyang binili ay hugis- gunting pero mas malapad ang talim at gawa sa aluminyo. Ito ang gamit ni Inang sa pagbabalat at paghahati sa maliliit na piraso ng kaniyang bunga. Kung bagoong hasa ni Tatang, na gamit ang kaniyang hasaang-bato, ang kalukati ay mas matalim pa sa kutsilyong gawa sa Batanggas.

Ang Blackmail ni Beatriz
“Beatriz, anak! Saan mo na naman itinago ang aking langguay?” Pumaibabaw ang boses ni Inang sa suleras ng aming bahay at lumusot sa sahig na tabla. Wala kasi sa loob ng baul ang kaniyang langguay.

“Malay ko po, hindi ko itinago ang langguay mo, Inang,.” Ang sagot ng smapung taong Beatriz mula sa itaas ng bahay. Gumagawa ng takdang- aralin si Beatriz, hindi pa handang matulog kaya hindi pa bumababa.

“Bumaba ka na dito, anak. Matutulog na tayo. At ilabas mo na ang langguay ko.” Kahit himig pakiusap medyo lumakas na lalo ang boses ni Inang.

Sumungaw si Beatriz sa may puno ng hagdan na nasa loob ng bahay. Medyo mahina ang boses upang hindi marining ng kapitbahay ang kanilang usapan. Marunong din palang mahiya ang batang mahusay mangatwiran, mayroon yatang ibubuga paglaki!

“Sige, ililitaw ko ang langguay mo, pero ipangako mo sa akin na bibigyan mo ako ng baon para sa pagpasok ko ng eskuwela bukas ng umaga. Kung hindi, wala kayong nganga.” Buwisit na bata, nanakot pa!

“Bakit kailangan mo ang baon araw- araw?” tanong ni Inang. “Ang mga kapatid mo noon, hindi nanghingi ng baon maliban na lang kung may kailangang gamit na bibilhin.” Ang tanong ni Inang.

“Inang, eh, saan naman ako kukuha ng pambili ng lapis at papel at meryenda? At sa recess, nakahikahiya kung nakatanghod lang ako sa mga kaeskuwela ko habang bumibili sila ng crushed ice at kepeng.,” Ang sabi ng batang mapilit at ayaw pasukol!

“Mayroong tayo diyan sa tindahan, magbaon ka na lang. Isang itlog o kaya ay bukayong niyog. Paborito mo ang mga iyon, di ba?” matiyagang paliwanag ni Inang.

“Inang, hindi naman tayo mahirap dahil may tindahan naman tayo ah, bakit ako magbabaon?.” Baluktot na pangangatwiran ni Beatriz.“ At saka ano ang gagawin ko kapag nandoon ang mga kaweskuela ko at bumibili sa tindahan ni Impong Buro? Tumanga na lang?” Basag na ang boses, medyo parang naiiyak na si Beatriz. Napaka arteng bata! Sobra!

“Sige na nga. Bibigyan na kita ng beinte-singko sentimos bukas ng umaga. Ilabas mo na ang langguay ko at nang makagawa na ako ng nganga ko.” nagparaya na si Inang dahil nauto ng bunsong anak.

Ang pagkatanda ko noong panahon namin, kapag kami ay nangatwiran at nagpakita ng tigas ng ulo, sa sahig at nakadapa ang lagi naming nagiging hantungan. Bakit nagkaganoon? Pero nagngitian lang kaming nakakatandang kapatid.

Dikdik … dikdik … at dikdik, pa sa nganga. Hanggang sa maging pino ang lahat. Isusubo ni Inang sa bibig. Ngunguyain ito Inang, tapos sa idudura niya at itatapon ang kaunting katas. Maiiwan ang sapal sa loob ng kaniyang bibig. Dahil dito, pumupula ang bibig at labi ni Inang, parang may lipstik.

Ang sabi ng iba, ang nganga daw ay nakagi-ginhawa ng katawan. Siguro nga, dahil ito ay parte na ng buhay ni Inang noong siya ay nabubuhay. At dahil sa labing-isa kaming ini-anak niya, siguro nga kailangan niya ng nganga para pang-alis ng araw- araw na hirap dulot ng kunsyumisyon ng mga anak.

Ang Tala sa Mundo ni Inang at Tatang
Ang pagmamahal ng magulang lalo na sa bunsong anak ay tulad ng matinding pagkasabik ng tigang na lupa sa mailap na patak ng ulan sa tag-araw. Matindi at kung maaari lamang ay huwag mahaluan ng lungkot at daloy ng patak ng luha. Kahit na ang sa pangkaraniwang nagyayari ay sumusuko sa anak ang magulang.

Pambihira lang namang gawin ni Beatriz ang mamilit kay Inang ng panghingi ng baon. Karaniwan kasi ay nangungupit siya kapag tumatao sa munti naming tindahan. Hindi naman napapansin o puwede rin namang hindi na pinapansin ni Inang.

Ang mga mata ni Inang ay malabo kung ang pag-uusapan ay ang pagkukulang ng bunso niyang anak. Ang mga tenga niya ay bingi sa sumbong ng ibang kapatid na nakakatanda. “Inang, si Beatriz ay dumudukot sa kahon ng pera kapag hindi ninyo nakikita.” Dahil kasi kapag nagsusumbong ang mga ito ay may kasamang hagikgik. Ganoon nila kamahal ang bunso nilang kapatid.

Nakita ni Beatriz ang liwanang ng mundo noong halos limampung taong gulang na ang aming Ina. Limang taon ang agwat ng kanilang edad ni Amy, ang kapatid na tinawag naming “Unso” dahil akala namin ay siya na talaga ang bunso. Magandang bata si Beatriz nang isilang. Mamula- mula ang kutis, medyo singkit, at mahahaba ang mga biyas, kaya medyo mataas siya sa pangkaraniwang bata.

Lumaki siyang laging tinutukso na hindi siya tunay na anak nina Inang at ni Tatang. Napulot lamang daw siya at natagpuan sa tabi ng taing- kalabaw sa tumana. Pero hindi naman siya naniniwala, kasi ang aming Sanse ay mestisahin din. Siguro sa linya ng dugo ng aming Ina at Ama ay may dugong mestisuhin.

“Bayang magiliw, perlas ng silanganan,” kumakanta pa si Betariz ng ibigay ang langguay kay Inang. Parang nagpapraktis sa flag ceremony para sa kinabukasan. Paano nga, may beinte-singko sentimos na siyang nadukot sa kahon ng pera sa tindahan na hindi namalayan ni Inang kanginang hapon. Kaya bukas, singkuwenta sentimos na ang kaniyang baon. Marami na namang kaibigan niya ang matutuwa pagpasok niya kinabukasan.

Ibibili niya ng kepeng si Arsie, tira-tira si Toning, crushed ice si Cora, at belekoy na kendi si Margie. Tapos, ang matitira, isasama niya sa perang iniipon niya. May gusto siyang bihin na clip ng buhok may velvet na ribbon para pang-ipit sa bangs upang hindi lumalawit sa noo at tumatabing sa kaniyang mga mata. ‘Yuoong pinakamaganda sa tindahan ni Aling Buro ay nagkakahalaga ng piso.

Napangiti sa sarili si Beatriz dahil malapit na siyang makaipon ng pambili ng clip na may velvet para dekorasyon sa kaniyang buhok. Mayroon kasi siyang kaweskuela na Bert ang pangalan na itinutukso sa kaniya. Nagkataon naman na “crush” din n iya si Bert. Kaya kailangang maganda ang ayos ng kaniyang buhok pag gumawi sa lugar nila sa paglalaro ng basketbol. Tiyak dadaan ‘yon sa tindahan upang bumili ng coke.

Kinabukasang pagka-gising, nakahanda na ang isang pandesal at kape sa may ulunan ni Beatriz. Ito ang bumabati sa paningin ni Beatriz tuwing umaga. Bumili si Inang sa magpapandesal na nakabisikleta kanginang madaling-araw ng tatlong pandesal, dalawa kay Tatang, at isa kay Beatriz.

Hindi lahat kami ay nagpapandesal sa umaga bago mag-almusal. Sa langit ni Inang na maraming bituin, may dalawang talang kaiba ang ningning. Sina Beatriz at si Tatang, sila lamang dalawa ang nagpapandesal.

Malalaki ang pandesal noon. Busog at hindi malambot, hindi tulad sa ngayon ma mukhang ampaw dahil ang loob ay kulang sa laman. Mas malaki ito kaysa kamao ni Ddikong Unti na subok na matibay dahil minsan ay pinatumba niya sa isang sikwat si Sianong magnanakaw. Hawak na ni Siano ang lubid ni Inahin, ang aming gatasang kalabaw at aakayin ng papunta sa Kaingin nang masabat siya ni Dikong Unti na medyo nahuli lamamng sa pagsundo sa kalabaw na nanginginain sa pastuolan. Subalit hindi inamin ni Siano ang kaniyang masamang tangka.

“Dadalhin ko lamang siya sa iyo,” ito ang kaniyang katwiran. Kaya pinalampas na ni Dikong Unti ang katwiran ni Siano at hindi na nagreklamo sa Kapitan ng baryo. -Paano nga naman, kami ay malalapit na magkakapitbahay.

Sina Inang at si Tatang ay maagang bumabangon. Nagpunta na sa tumana si Tatang upang bisitahin ang mga tanim niyang singkamas at pakuan. Si Inang naman ay nasa labas na ng bahay. Ngpapakain na siya ng mga alagang manok at baboy at pagkatapos ay magwawalis sa bakuran.

Pagkatapos kainin ang pandesal at inumin ang kape sa baso ay naligo na si Beatriz upang pumasok sa eskuwelahan kasabay ng ilan naming kapitbahay. Si Unso ay nasa high school na noon at sa Maynila na nag-aaral.

Ang Nurse na si Beatriz
Kay- ganda ng umaga! Kay bango ng malinis na hangin na nanggagaling sa pampang ng ilog. Ang huni ng mga kalapati na hindi pa nililisan ang kanilang mga pugad upang maghanap ng kanilang pagkain na nakapaligid sa sibi ng aming bahay ay parang musikang nagsasalimbayan ngunit may himig na napakagandang pakinggan.

Ang mga halaman sa harap ng bahay na bagong dilig ay tila nag-sisipagsayaw sa ihip ng hangin, napasigla ng dampi ng tubig na malamig sa kanilang mga katawan. Pamaya-maya pa ay nagpulasan na ang mga bata palabas ng bahay upang pumasok sa eskuwelahan.

Si Beatriz, may ngiti sa mga labi ay nag-paalam, “Inang, uuwi ako sa tanghalian.”
Ang sagot ni Inang, “Sige, anak, mag-aral kang mabuti, ipagluluto kita ng paborito mong ulam.” Par ko pang nasasamyo ang bango ng luto ni Inang. Pakiw na bangos at tinumis. Ang lasa ng mga ito ay walang kaparis!

Mahal naming lahat ang aming bunsong kapatid. Palibhasa kahit maliit pa lamang ay mahusay ng mangarinyo. Dahil nga siya ay “menopause baby”, tinutukso namin siya ng bo…bo…! Row 4!

Hindi naman napipikon sia aming mga biro. May katutubong kabaitan siguro dahil sa siya ay pinalaki sa pagmamahal ng aming mga magulang at naming mga nakakatandang kapatid. Ginantihan niya ang aming panunukso isang araw pagkaraang maipasa niya ang board sa pagiging nars nang siya ay dalawanpo at tatlong taong gulang.

Habang ipinapako ni Tatang ang kaniyang kahoy na karatula sa labas ng dinging ng aming bahay, “Sino sa atin ang bobo, may karatula ba kayong ganito?” Tawanan kaming magkakapatid tuwing maririnig namin ang kuwento.

Ang kaligayahang nakita namin sa mga mata ng aming mga magulang ay puedeng ikumpara sa kinang nang ginto ng pailan-ilan na alahas ng aming mga ninuno. Subalit ng makatapos ng PHD ang aming kapatid na panganay na lalaki, may nakatabi na ang plaka niya at doctor pa ang nakalista!

Ito pa nga ang nakakatuwa. Dahil isang doctor at nurse, akala ng mga tao sa aming purok ay nagbukas kami ng clinic. Isang umaga, nagulat sila ng may mga taong nakapila sa harap ng bahay na gusting magpagamot! Sarap ng katuwaan nila. Lalo na si Beatriz!

Pak … pak … pak … ang ingay na galing sa maliit na dikdikang bato ay pumaibabaw at abot- dinig namin sa itaas ng bahay. Pamaya maya, nguya na nang nguya si Inang ng kaniyang nganga. Pamaya-maya ay tatawagin na niys si Beatriz upang matulog na sila.

Isang araw, may naglipat ng baul ni Inang. Nawala ito sa dating kinalalagyan. Ang dating papag na kawayan ay napalitan mg yari sa nara at may yantok na higaan. Ang langguay at dikdikan ni Inang ay kasamang naglaho ng baul.
Si Beatriz ay hindi umalis sa tabi ng aming mga magulang hanggang sa kanilang huling hantungan. Sa tulong ng iba ko pang mga kapatid ay naging masaya at maginhawa ang naging mga huling araw sa mundo ng aming mahal na Tatang at Inang.

Dahil wala na ang aming mga magulang, si Beatriz ay nangibang-bansa upang magamit ng husto ang kaniyang pinag-aralan. Ang aming bahay na dating puno ng pagmamahal at halakhak ni Inang, Tatang at ni Beatriz ay kinubkob na ng nakakabinging katahimikan.

Pak…. pak …pak … ang ingay na dulot ng dikdikang bato ay naglaho na nang tuluyan, tangay ang laman nito: ikmo, bunga, apog o nganga ni Inang.

Sana ang buhay ng tao ay parang pagkuha ng larawan na ang mag-leletrato ay pumipili ng magagandang puwesto na kinukunan. Ang larawan puwede mong balik-balikan upang tingnan. Maglaho man ay mas matagal.

Katulad ng larawan, ang mga alaala na hinabi at binuo nina Inang at Tatang at ang batang si Beatriz ay hindi mabubura, bagkus ay lalo lamang itong tumatatak sa aking puso at isipan habang lumilipas ang mga araw.

Leave a reply

Your email address will not be published.